Bulong sa Dilim: Ang Tula Bilang Pakikipagtuos sa Anino

Sisimulan ko ang aking pagninilay kay Robert Bly. Sa kaniyang aklat na A Little Book on the Human Shadow, pinahalagahan niya ang pagkilala at pagdadala sa liwanag ng dakong dilim o dark side. Nabili ko ang aklat na ito sa isang Book Sale, binasa, pinamangha ng marhinal na mga sulatin ng naunang may-ari ng aklat, nilinyahan ng Stabilo ang magagandang linya, ang mga tinurang nagdulot ng matinding impresyon.

Hindi pa ako noon dumadalo sa kasalukyan kong organisasyon ng life coaching na naging masidhi ang nalikhang pagbabanyuhay sa akin. Sa pagharap ko sa konfrontasyonal na baitang ng aking life coaching, kung saan mayroong tinatawag na “shadow work” o pagharap sa mga aninong nananahanan sa aking sariling dakong dilim, higit na naging makahulugan sa akin ang mga sinasabi ni Bly: “We notice that when sunlight hits the body, the body turns bright, but it throws a shadow, which is dark. The brighter the light, the darker the shadow. Each of us has some part of our personality that is hidden from us.”

Para kay Bly, nakahaharap ng tao ang kaniyang mga anino sa pagdulog niya sa dilim. Ang patuloy na pagligid ng mga aninong ito, na likha ng maraming paradigmang bumalot sa ating esensiya at katotohanan bilang tao, ang wika niya’y dapat na kilalanin, hindi lamang upang makagaan sa ating pamumuhay, kundi upang lumawak at higit na magliwanag ang ating kamalayan. Iniugnay din ni Bly ang “pagkilala sa anino” na ito sa literatura, dahil isa rin siyang makata.

Sa kaniyang sanaysay hinggil kay Wallace Stevens, tumino sa akin na tumutula rin, ang halaga ng pagsisikap lingapin ang nagtatago sa ating dakong dilim: “If the shadow’s gifts are not acted upon, it eveidently retreats and returns to the earth. It gives the writer or person ten or fifteen years to change his life, in response to the amazing visions the shadow has brought him—that change may involve only a deepening of the interior marriage of male and female within the man or woman—but if that does not happen, the shadow goes back down, abandoning him, and the last state of that man is evidently worse than the first.” Tinanong ako ng isa kong guro sa life coaching kamakailan kung ano ang talagang natutuhan ko sa pagsailalim sa aming programa.

Marami akong natutuhan, sagot ko, at marami pang natututuhan, dahil na rin ipinagpapatuloy ko ang pakikilahok sa programa bilang isang nagtapos na nagnanasa ring maging life coach sa darating na panahon. Ngunit ang talaga sigurong mahalagang nangyari sa akin ay ang pagkakatagpo ko sa maaaring nilalalang na inilalarawan ni Alejandro Abadilla na “Mutyang Dilim”. Sa aking sariling pagharap sa anino sa loob ng mapagkandiling istruktura ng seminar, nakilala ko at napalaya ang manunulat na malaong nagtatago sa aking loob.

Tamang-tamang panahon naman ang pagkakatuklas ko sa papalapit na pagtatapos at paghaharap ko ng isang tesis na kalipunan ng mga tula para sa aking digring masterado. Higit isang taon na ang nakalilipas at maluwalhati akong nakatapos. At ngayon ngang inihahanda ko na ang tesis upang maging ganap na aklat ng mga tula sa pamagat na At Sa Tahanan ng Alabok, nagkaroon ako muli ng pagnanasang upuang ang aking karanasan upang magbahagi ng paliwanag sa kung papaanong ang pagtula, bilang tila pagbulong sa dilim, ay nagiging hakbang upang harapin ng isang makata ang kaniyang anino.

Isang malusog na gawain ang pagharap sa anino’t marami akong natututuhan dito: maraming tao’t sirkumstansiya ang sinisi ko sa aking mga pagdurusa at maaaring mapulot iyan sa kabuohan ng aklat ko bilang pangunahing dilemma. Kaya nga siguro balik ako nang balik sa life coaching, sa paraan naman ng pagsisilbi at pagtulong sa mga taong nais umusad at umunlad ang kanilang buhay. Sa huli, naharap ako sa katotohanang ako lamang ang makalulutas sa mga likha kong suliranin at agam-agam. Kailangan ko lamang silang harapin. Bilang mga anino. Tinablan ako ng mga palagay ni Bly dahil tila kawangis ng paglalarawan ang nagaganap sa aking sariling buhay at sining, halimbawa, sa makatang si Stevens: “Wallace Stevens was not willing to change his way of life, despite all the gifts he received, and all the advise he read in his own poems. He kept the house fanatically neat, evidently slept in a separate bedroom for thirty or forty years, made his living through the statistical mentality, and kept his business life and poetry life separate—all of which amounted to keeping his dominant personality and his shadow personality separate in his daily life.”

May mga bagay na kailangang magsalimbayan upang magkaroon ng kaganapang pansarili. Ang pagdulog sa dakong dilim, kung paniniwalaan natin ang bintanang “Johari” ng mga pantas na sina Joseph Luft at Harrington Ingham ang makapagdudulot sa atin ng lalong pag-unlad bilang tao. Dahil sa lalong paglawak ng liwanag sa ating buhay, hindi lamang ang dakong dilim ang nahuhugasan ng kalinawan; ang isa pang bahagi ng bintana, ang dako ng mga potensyal, kung saan nananahan ang pagkamalikhain, talas ng pagdama, henyo at kamalayan, ay naliliwanagan din at nagiging bahagi ng bintana ng mga bagay na ating ipinamamalas sa pampublikong buhay natin. Ang pagbubukas ng sarili sa ibang tao ang siyang magpapalawak ng kamalayan at magpapalalim ng ating danas sa sarili. Sinasalungat nito ang paradigmang Kristiyano, na kumikiling sa liwanag at naniniwalang ang dilim ay tahanan ng kasamaan.

Hindi maitatatwa ang oralidad ng tula, kaya hindi ko rin maiwasan ang iugnay ito sa bulong, lalo sa katahimikan ng dilim—isang katahimikang ng kabuluhan at kalituhan, ng takot at pangamba, ng galit at hinanakit. “Bulong sa dilim” ang nais kong ibansag sa sarili kong poetika, dahil kung dati’y banal lamang sa akin ang pagtula (maraming agad na nakapansin na kumikiling ako sa mga relihiyoso at espirituwal na paksa at tema), isa na rin ito ngayong pagharap sa anino, lalo ngayong pinag-uusapan natin ang mga tulang nasulat ko sa loob ng aklat na aking inihanda. Sa aking bawat pagsulat ng tula, wari bang bumababa ako sa dakong dilim at tinatawag nang malumanay ang mga aninong nananahan doon.

Bumubulong ako sa dakong dilim sa bawat pagtula ko, sa bawat pananahimik at pagpasok sa kaibuturan kung saan ko nakatatagpo ang aking sarili. Ito marahil ang sagot ko sa panulaang kumpisal, na pinaniniwalaang bitag para sa maraming makatang nakatanim sa sariling danas ng buhay ang pagtula. Natutuhan ko na ito kay Louise Glück, na laging nagpapagunita ng mahalagang kakayahan ng isang tinig na usigin ang sariling katayuan, lalo sa pagtatanghal ng sakit, o dili kaya ng bawal at ikinukubli, ang mga sinassabing katotohanan: “These voices specify rage and contamination and shame; what they demand however, is admiration for unprecedented bravery, as the speaker looks back and speaks the truth. But the truth of this kind will not permit itself simply to be looked back on; it makes, when summoned, a kind of erosion, undermining the present with the past, substituting for the shifts and approximations and variety of anecdote the immutable fixity of fate, and for curiosity regarding an unfolding future, absolute knowledge of that future... When the force and misery of compulsion are missing, when a scar is missing, the ambivalence which seeks, in the self, responsibility—the collusive, initiating desire which must have been present for punishment to occur, the sense that it is better, in a way, that the self be at fault than the world be evil—when ambivalence toward the self is missing, the written recreation, no matter how artful, forfeits emotional authority.”

Gustong-gusto ko ang bahaging binanggit ni Glück hinggil sa kakayahan ng tinig na maging responsable. Hindi naninisi o naninikad upang itanghal na biktima ang sarili. Marahil, ang emosyonal na awtoridad na iyan ang una kong habol kaya ko ibinalangkas ang aking pagtula bilang bulong sa dilim. Batid kong sa pagtula hinggil sa mga aninong lilisan sa aking dakong dilim, kailangan ko ng isang tinig na may higit na malalim na kabatiran sa malalim na yungib na iyon ng aking kaibuturan. Hindi ko ninais na itanghal ang aking sariling mga sugat na tila ba ako ang pinakaabang hinagupit ng kawalang-katarungan sa daigdig.

Ang terminong “kumpisal” ay isang konseptong dayuhan sa Panulaang Filipino. Sa isang panulaang malaong nakikisangkot sa mga panlipunang tagisan, wala pang malinaw na paglalagom hinggil sa panulaang binabanggit ng Amerikanong manunulat na si Rachel Zucher na may kaugnayan sa pagbuwag sa mga taboo, pagdurusa, at pag-aming ang “sarili” sa tula ay hindi isang persona kung hindi ang makata mismo.

May dagdag pang paliwanag si Zucher: “Poets have always used personal experience as subject matter for poems, but the emphasis on self, the effect of using "I" and the reader's expectation of the authenticity of personal information has shifted and changed over time.” Dagdag niya, si Shakespeare mismo ay gumamit ng pangangalan na “I” o “ako” at minsan siya ito, minsan ay maaaring hindi rin naman. Ang mga Romantikong makata’y sumulat din ng mga tinatawag na “tulang personal” at wika ni Zucher, naantig ang mga mambabasa sa katotohanang bagaman ang mga makata’y tumatalakay sa kalikasan, pinapaksa nila ang kanilang sarili. “These Romantic selves wandered around the heath and through abbeys at times lonely like clouds, at other times punch drunk on the splendor of everything,” wika ni Zucher. Kinuha niyang halimbawa si Walt Whitman na naglimayon, naghayag at nagpaliwanag, habang gamit ang isang “I” o ako na maaaring ang malawak na kosmos, at ana nga ni Zucher ay “as irrepressible as an avalanche.”

Maaari rin umanong maihanay si rito si T. S. Eliot, na naghangad para sa tula ng pagtakas mula sa personalidad at emosyon. “He probably didn't put much stock in the fact that one really important goal of a poem, according to Frank O'Hara, is to convince someone to have sex with you,” pabirong pakli ng may-akda. Naririto pa ang tinuran ni Zucher: “After a while, American poets rebelled against Eliot. W.D. Snodgrass, Robert Lowell, Anne Sexton, Sylvia Plath, John Berryman, and Allen Ginsberg started to use personal information in a way that woke everyone up. The critic M. L. Rosenthal described this poetry as “confessional,” and people spent a lot of time arguing about who was or wasn't confessional, and what really made a poem “confessional”…”

May pagka-walang hiya ang ganitong pagtula, “laging ipinapakita… na bida ang makata sa sitwasyon…(h)indi nagpapadanas ng indesisyon, ng tunggaliang bumabagabag,” dagdag pa ng makatang Allan Popa, na sumulat minsan ng palagay at mga mungkahi hinggil sa ganitong panulaan. Aniya, “nirereserba ng makata para sa sarili ang paghuhusga bilang pangunahing tauhan sa istoryang siya rin ang nagbangon mula sa katahimikan. At pagkaraan, maghuhugas ng kamay.” Hindi siya natakot na isiwalat ang isang maaaring kahindik-hindik na palagay: “Nasa panahon tayo ng walanghiyang pagtula ng makata ng mga sariling karanasan.” Liban kay Popa, wala pang ibang mapanlagom na pagtataya hinggil sa “tradisyong” ito. Wala sa alam ko. At sa palagay ko’y ganito rin ang nagaganap sa kabuohan ng panulaan—iba na ang usapan kapag nakatala sa papel ang anumang dapat na pinag-uusapan sa bulung-bulungan. Sabihin mo nang tula iyan, o kuwento, laging may nadadamay na mga personal na kuwentong sa salamin lamang ni Boy Abunda maiisip mong sabihin.

Ayokong maging biktima, kahit sa aking pagtula. Kaya nga siguro, sa huli, pumili ako ng tagabulong na lumilikha ng mga narasyong magpapatotoo sa aking mga binubunyag na katotohanan; pumili ako ng isang mapagdiling persona na maaaring magbigay ng paliwanag at magpa-liwanag. Higit sa epirituwal at Katolikong pagkakabalangkas (na hindi ko naman maitatangging isang katangian ng aking pagtula nitong mga huling panahon), may kaibigang naglarawan sa aking mga tula bilang mapagnilay. Na sa palagay ko’y higit na mabuting paglalarawan kaysa sa modang kumpisal, na una kong narinig sa isang tagabasa ng aking tesis bilang tradisyong maaaring kinabibilangan ko. Hindi ko alam kung may kinalaman ang paboritismo ko sa salitang “pagninilay”; napansin ko kamakailan na makailang-ulit kong ginagamit ang salitang ito. Bagaman wala namang suliranin ang kumpisal na kapwa may katangiang banal at bawal (sacred and profane), natuwa ako sa nakikitang direksyon ng aking panulaan. Napakabata ko pa siguro para magsalita hinggil dito, ngunit ngayon pa lamang, itong kaibigang ito na naglarawan sa akin ng aking panulaan ay muling nagtanong kamakailan kung bakit nga ba patungo ako rito. Isa itong malay na desisyon, na makikita naman sa nauna kong paliwanag. Hayaan ninyo akong magmumunakala pa upang higit na lumalim ang aking pagkakaunawa hinggil sa tunguhing ito. May kinalaman dito ang ilang tula sa aking aklat na babasahin ko upang makapagbigay-linaw sa ating lahat, lalong-lalo na sa akin, na maaari’y langong-lango sa pagninilay.

TAKOT SA PAGLILIMAYON

Minsan na akong tinawag na Samuel Bilibet.
Hindi ko pa siya kilala noon, ngunit kaagad kong natutuhan
Ang ipinababatid ng kaniyang kati sa talampakan—
Walang katapusang paglalagalag, walang katapusang
Pagdama ng mga paa sa hangganan ng mukha ng lupa.
Kung may hanggan. Kung may hanggan ang kailan.
Mula sa parlor, habang si Ina’y nagpapakulot, sinabayan ko
Ng puslit ang kaniyang pagsimangot. Nainip ako
At hindi niya napigilang pandilatan ang paghihinaing.
Alam ko naman ang pauwi, bagaman malayo ang pabalik.
Sa makipot na gilid ako naglakad, kung saan minsan,
Sumambulat ang utak ng isang batang tumatawid,
Pira-pirasong musmos na lihim na kumalat at nabunyag.
Humahagibis ang trak, itutulak ako sa bangin ng mga bubong.
Nakarating naman ako sa bahay. Sa hita’y may talsik
Ng malagrasang putik. Mabilis ding nakauwi si Ina,
Nakasunod palang nagmamadali, nanginginig ang mga kamay.
Umuusok ang ilong, pinalo niya ako nang pinalo ng yantok,
At hindi pa nagkasya sa parusa, pinaluhod pa ako sa harap
Ng grotto, sa magaspang na harap ng aming munting
Dambana ng himala, pinaliyad ako, binantayan, at pinatigil
Ang paghagulgol sa tila walang-katapusang pagtitika.
Sa aking pagtayo, nagsugat ang mga tuhod ko. Umusbong
Di naglaon, ang mga pilat, mga marka ng pagkasutil
At babala sa mga walang-kaligtasang paglalakbay
Hanggang sa huling hininga. Hangga’t humihinga.
Tuloy, ngayon, nais ko nang putulin ang aking mga paa.


Hindi naman siguro kagulat-ulat ang amining ang tulang ito’y hango sa isang tunay na pangyayari sa aking buhay. Isa itong proyektong tula, lalo na nang inihahanda ko ang koleksyon sa isang patimpalak. Hindi ito bahagi ng tesis na iniharap ko sa aking panel; lumutang na lamang ang ideya matapos ang matagal na pagbabaliktanaw. Sa aking shadow work, lumitaw ang mga sugat na dala ng aking relasyon sa aking ina—ang maraming pagbabawal, ang maraming pagtatakda, ang maraming pagpipigil na dala ng kaniyang pag-aalala sa maaaring kasapitan ko sa ano mang hakbang na di pinag-iisipan. Tulad na lamang ng paglilimayon, na nagaganap sa dalawang dimension dito—ang dimensiyon ng tunay na pangangahas ko, at ang dimensiyon ng iba pang pangangahas na gagawin ko sa aking buhay.

Lagi’t lagi kong naririnig noong bata pa ako ang bansag na Samuel Bilibet sa akin. Sinubok kong hanapin siya sa Diksyunaryo ng New American Bible, sa pagkakaalam na isa siyang biblikong katauhan. Ngunit nabigo akong mahagilap ang kaniyang tunay na istorya; sa tradisyong alam ko’y isa siyang nilalang na hindi titigilan ang paglalakbay. Isa siyang sinumpa. Wari bang walang kapaguran. Iniugnay ko na lamang siya sa idyoma ng kati ng talampakan nang isulat ko ang tulang ito. Ang tulang ito ay isang mahalagang muhon sa aking koleksyon na kumasangkapan sa relihiyosong alusyon sa pagninilay ni Kristo sa Ilang sa loob ng apatnapung araw. Sa tulang ito, bagaman mayroong tono ng paninisi: “Tuloy, ngayon, nais ko nang putulin ang aking mga paa.” Sa tulang ito ko itinatag ang isang mas malaking proyekto ng pagninilay; isa itong espesipikong kabanata ng aking buhay na maari kong i-asa sa karaniwang pagkukumpisal at pagbubunyag ng katapangan.

Ngunit hindi ko ginawa, dahil na rin hindi ko nais maging tanghalan ng sugat ang aking pagtula. Pagtatatag ang paglalagalag dito, isang pagpapakilala sa tinig na aking bubuohin para sa koleksyong hindi lamang nakatuon sa aking sariling mga paglalagalag at pagninilay, kundi pati na rin sa isa pang mahalagang narasyong maaaring kawangis ng buhay na aking isinasabuhay sa panahon ng pagdidili: ang panunukso ng diablo kay Kristo sa Ilang. Hindi ko naipagpaliban ang pag-usig sa aking sariling buhay; kaya nga marahil, hindi rin ako pinatulog ng ideya ng pagkasangkapan sa kuwento ng kuwaresma na naging makahulugan dahil sa mga paglalagalag na pinili kong gawin, sa pisikal na daigdig, at maging sa espirituwal na rin. Unang hakbang pa lamang ang pagkakatuklas ko sa salaysay na ito ng aking buhay upang magpatuloy ako sa higit na malalim at malawak na pagninilay.

Sa patuloy kong pagtuklas habang binubuo ang aking koleksyon, nakaengkuwentro ko ang aklat ni Tony Perez na Pagsubok sa Ilang: Ikaapat na Mukha ni Satanas. Isa itong pinagaang na materyal mula sa kaniyang tesis sa Maryhill School of Theology. At hindi naglalayo ang paksain at batayang diwa nito at ng aklat ni Bly. Sa katunayan, isa pa nga sa mga sanggunian ni Perez ay ang A Little Book. Paksa ng aklat ni Perez ang pagkilala sa “ikaapat na Mukha ni Satanas.” Nakatuon ito sa salaysay ng 40 araw na pagdidistiyero ni Jesus sa disyerto, na sa ganang akin ay isang pangunahing mistikal na karanasan para sa mga Kristiyano. Maka-Carl Jung ang metodolohiya ni Perez, ang tinatawag na “depth psychology”, sa muling pagbasa niya sa biblikal na salaysay. Sa pagbubuod, sinasabi ni Perez na ang pagpunta ni Kristo sa disyerto, o “Ilang”, ay pagharap Niya sa sariling anino, o mga anino. Maaari ring mahinuhang nakipag-isa rin siya sa kaniyang kadakilaan bilang Diyos at tao, kung babalingan pa nang husto ang pag-aaaral. Ito ang naging mito ng aking mga tula.

Wika ni Perez, “(h)angad ng librong ito ang maglahad ng makabagong pagmumukha kay Satanas batay sa pagpapakahulugan sa “Pagsubok sa Ilang” sa Bagong Tipan, kung saan naghaharap ang dalawang tauhan—si Kristo at si Satanas.” Dahil sa pagbasang ginawa ni Perez, lumabas na “ang ikaapat na mukha ni Satanas ay ang Anino sa Sarili, na nasa kalooban ng bawat tao, at tungkulin ng bawat tao ang daigin ang mga pagsubok nito na walang pagkapoot, tulad ng ginawa ni Kristo, sa kawawaan ng dualidad.”

Sa “pahabol” sa aklat ng teologong si Dennis Gonzales, naging kapanapanabik ang naging proyektong ito ni Perez: “Sa masalimuot na usapin ukol sa impyerno at mga nasirang anghel, ano ang kabuluhan ng ikaapat na mukha ni Satanas? Kung tinatanggap natin na nakagagaling at nararapat ang pakikipagkasundo ng Ego sa Anino, marahil ikatutuwa natin na sa kasaysayan ng Kristiyanismo, may ilang taong banal na nangahas manalangin para sa mga diyablo, upang tuluyang maganap ang dakilang pakikipagkasundo ng Manlilikha at lahat-lahat ng nilikha.”

Habang sinusulat ko na, nakita kong maaari ko pa itong palawakin. Tutal, gusto ko rin naman talagang talakayin ang mistisismo. Pinagdama ko na ang dalawang ito at inisipan nang magandang pakana: may isang tinig na humaharap sa kaniyang sariling mga anino’t kinikilala ito. At ang tinig na ito’y bahagi rin ng daigdig na humaharap sa kaniyang anino ng Sindak. Mahusay ang paralelismong ito para sa akin at sa mga daang nagkukrus na ito ako tumutok.

Pangunahing mga tanda ng koleksyon ang mahahalagang bahagi ng Pagdidistiyero ni Kristo sa Ilang—o sa Disyerto, kumporme sa tumitingin. Kaya ginawan ko rin ng tula ang mga bahaging iyon: Ang panunukso gamit ang batong gagawing tinapay, ang pagpapakita ng yaman sa isang talampas, ang pagdadala sa taluktok ng Templo upang subukin ang Diyos. Ang mga tagpong ito’y hinayaan kong isalaysay ng mismong “anino” ni Kristo—alinsunod sa pinili kong kuwadro mula sa pag-aaral na ginawa ni Perez. Naibigan ko ang nais ipahiwatig ni Perez sa kaniyang tesis, at mula roon ay nilikhaan ko ng tinig ang aninong ito, na sa mahabang panahon ay pinaniwalaan nating “demonyo” o “satanas”. Batid na naman natin ang naganap sa salaysay, kaya’t siya naman ang binigyang-tinig ko. Hindi ito naging madali, ngunit nakalikha naman ako ng sa palagay ko’y nararapat na boses para sa isang malaong kinatatakutan.

Mailalarawan kong mapang-udyok ang tinig na pinili ko para sa aninong ito. Na may basehan naman, kung babalikan ang teolohiya. Unang kaugnay nito ang Judeong larawan ni Satanas o ng Diablo, na pinuputungan ng kasalukuyang turo at pananampalataya na hari ng Masama. Sa banghay-kaisipang Judeo, higit na taga-usig si Satanas kaysa tagapaminsala. Ang tradisyunal na imaheng ito’y makikita pa natin sa Bagong Tipan, lalo sa mga salaysay ng apatnapung araw na panananlangin at pag-aayuno ni Kristo sa Ilang. Maaaring sa kaisipang ito rin umusbong ang kasalukuyang konsepto ng devil’s advocate. Sa ganitong pagtingin at sa matalik na pagbasa, nagiging tagausig, tagasukat siya ng ating hangganan. Kaya’t mas higit na dapat bantayan ay ang sarili. Naging taga-usig ang tinig ng anino sa mga pagkakataong hiningi sa kaniya sa tatlong bahaging binabanggit ko.

Halos magkakasunod kong ginawa ang tatlong tulang ito. Ngunit malaong pinagmunihan dahil sa maraming takot. Unang-una’y tinanong ko ang sarili kung ano pa ba ang masasabi ko sa salaysay na halos napakaikli naman sa Biblia. Sa pagbubulay, naisip kong kailangan ko lamang bigyang karakter ang anino. Dahil sa totoo lamang, siya ang pangunahin kong itinatanghal sa kalipunang ito. Pinili ko rin ang isang wikang kumbersasyunal, at tila nakikipag-usap lamang sa sarili o sa isang kapantay, dahil sa paniwalang ang 40 araw ni Kristo sa Ilang, sa totoong pagbaling, ay isang makapangyarihang paglalakbay kasama ang Kaniyang sarili. Nilamon Niya ang aninong ito, at hindi na nga nakapagtataka kung bakit. Nilamon ni Kristo nang lubos ang kaniyang pagkatao (humanity), na kung tutuusin ay ang pinakaanino niya, upang higit na maranasan ng tao ang Kaniyang pagkadiyos (godliness). At ang Diyos na tinutukoy ko’y hindi ang naghahasik ng kapangyarihan, kung hindi buong-buong pag-ibig at paglingap. Matagumpay niyang nagawa ito dahil naharap niya ang anino. Matagumpay Siya dahil naitanghal Niya ang sarili sa isang kalunos-lunos na palabas: Ang Krus. Bahagi rin ng kabuohang mantel ng kalipunan ang iba’t ibang bagay na pinapagsalita ko upang mapaigting ang salimbayan ng mga salaysay ng pagdidistiyero at paglalagalag. Pinagsalita ko ang Ilang, at maging ang liwanag na nagbabago-bago sa pagdaan ng paglalakbay ng kalipunan.

Ang anino, ayon kay Perez, ay “binubuo ng lahat-lahat ng kaisipan, saloobin at damdamin ba ipinananatili ng indibidwal sa silong ng malay sa pamamagitan ng pananggalang na pagsasansala. Ang mga ito ay maihahalintulad sa “masasamang espiritu” na “isinisilid sa botelya” ng isang manggagaway: naisilid man ay patuloy na naroroon at umiiral—at kapag nakapiglas ay higit ang lupit na dulot.” Sa kalipunan, walang makikitang katapusan ang proseso ng pagbibigay-pansin sa anino. At naniniwala akong ganito rin ang ginagawa nating lahat, sa kinikilusan nating panahon, pananalig, kasarian, lipunan, at daigdig: patuloy tayo sa pagkilala sa ating dilim, na matatagpuan lamang natin kung papangahasan natin ang pagpasok sa Ilang, doon sa tinatawag ni Eliot sa The Waste Land na walang katubigan at pawang batuhan lamang.

Dumaguete: Pakikipagtagpo sa Hiwaga

PARA sa isang manunulat, isa sa pinakamabisang uri ng pagmumuni ay ang maglakbay. At mabisa rin ito sa pagtula, sapagkat may hiwaga ang bawat paglalagalag.

Sa kabila ng dami ng mga nakatakdang gawin, di lamang sa publikasyon at paaralan, kundi maging sa aming mga personal na pakikipagbuno sa buhay ni Eldric, hindi kami nabigong patulan ang isa lamang sanang simpleng biro: ang magtungo sa Dumaguete, sa darating na Huwebes, tulad ng mga kasapi ng Philippine Center of the International Poets and Playwrights, Essaysists and Novelists (PEN), na magpupulong doon. Iba pala talaga ang nagagawa ng pagnamnam sa pinaghalong sorbetes at buko pandan. Mukhang nahibang kami't pinasok ng lamig ng panghimagas ang aming pag-iisip.

At ang lahat ay pawang mga larawan na lamang ng paghahanda, na patuloy na bumabaybay sa gunita. Nasumpungan na lamang namin ang isa't isa, na papaakyat ng eroplano, patungo sa dakilang lungsod ng mga manunulat.


HIGIT sa pagbabalut-balot ang paghahanda para sa akin. Kasabay ng pagtatanung-tanong sa mga kaibigang manunulat tungkol sa Dumaguete, binalikan ko rin ang mga nabasang aklat ng tula at kuwento na tumatalakay o may pagtatangi sa Dumaguete.
Karamihan sa kanila'y tapiserya ng mga gunita--mga tagpong isinilid sa masinsing imahen ng buhangin at baybayin, ng mga banal na ritwal sa taunang pambansang palihan ng mga Tiempo, ng makasaysayang Rizal Boulevard, ng nagwawalang mga kaluluwa sa Pamantasang Silliman, ng kampanaryo, at ng mahiwagang Isla ng Apoy, ang Siquijor, sa di kalayuan.

Isa sa mga tulang nabasa ko ay ang "Dumaguete: the Return" ni J. Neil Garcia. Bago kami umalis, isa si Neil sa mga pinagtanungan ko tungkol sa Dumaguete. Ngunit mayroon yatang nagtayang makaligtaan ko ang pagtatanung tungkol sa kanyang tula.
Nagpapakita ang tula ng tila isang regular na pagbisita sa Dumaguete, at ng isang pagbabalik. Mayroon itong anyo ng pagsamba sa kabanalan at kamahalan ng nananahang hiwaga sa lahat ng sulok ng lungsod. Sa isang malinis na papel, isinulat ko ang pinakamakinang na bahagi ng tula, at isinilid sa isang bulsa ng aking shoulder bag. Ito ang gagamitin kong agimat laban sa masamang budhing maaring sumulpot sa aming paglalakbay, bulong ko sa sarili.

Ang papel ay tila isang banal na birtud, na magliligtas sa amin mula sa pananangis ng paglayo. Ang lamang-dagat ng tula'y gamot upang sa paglalakbay ay hindi kami lumimot: "this sea,/eager to fill our gaping senses with/its articles of faith: kelp, starfish,/bit of coral/or shell,/surf smashing/against rock,/sting of salt-spray—/spirit-images/we must have/in our poetry,/in our life."


MAG-AALAS TRES na nang makalapag ang eroplano sa paliparan ng Sibulan, mga sampung minuto mula sa Dumaguete. Nasa Maynila pa lamang kami nang magmagandang-loob ang makatang si Christine Godinez-Ortega, na noo'y nasa Iligan. Ipasusundo na lamang niya kami sa kanyang kapatid na si Sister Beth, na nagtuturo sa St. Paul's Dumaguete. Nakasama ni Eldric si Ma'am Christine sa pambansang palihan ng Iligan noong nakaraang taon, at nabanggit sa kanya ni Eldric na kami'y pupunta sa Dumaguete, sa kanyang bayan. Kami'y walang pag-aatubiling ibinilin ni Ma'am Christine sa kanyang kapatid, na naging guro naman ng aming tagapayo sa pahayagang pangmag-aaral, nang ito'y nag-aaral pa sa Ilocos.

Kaya't kampante na kami sa pagbaba. Maganda ang biyahe't wala namang kahindikhindik na paggalaw na umagaw sa aming pananahimik sa eroplano, maliban na lamang sa ilang pagkakataong kinailangan kong magpunta sa palikuran upang doon maduwal. Subalit ipinagbabawal ang tumayo. Ang bawat kibot ng eroplano'y tila lalo pang paglakas ng sipa ng kung ano sa aking sikmura.

Sandaling-sandali lang naman ang naging biyahe. Ang itinayang halos 45 minuto mula Maynila hanggang Dumaguete ay isang oras at 30 minuto lamang. Ngunit masasabi kong ito ang pinakamatinding biyahe ko sa eroplano, sapagkat sa pagkakataong ito, hindi ko na mapigil ang sariling iluwa ang pinananghalian. Pinalala pa ito ng paglipad ng mababa ng eroplano, siyang senyal na napakalapit na namin sa lungsod. Ngunit bigla kong nakalimutang nasusuka ako nang mapatingin sa bintana.

"Sa tubig ba tayo lalapag, Eldric?" pabiro kong tanong sa aking kasamang abalang-abala sa kanyang laptop at natirang biskwit na miniryenda sa eroplano. Tiningnan niya muna ang bintana bago ako suklian ng ngiti.

"Ewan," sagot niya.

Hindi ko talaga maintindihan kung bakit kung kailan naman dumating ang kapeng hiningi ko mula sa mga kawani ng eroplano'y saka naman gumagawa ng mumunti ngunit matitinding pagkibot ang kinalululanan.

Nang maramdaman kong nakalapag na sa lupa ang eroplano, nagmamadali akong nagbaklas ng "sinturong pangkaligtasan," upang pagbigyan ang aking sikmura. At upang malimutan ang mabigat na dinadala'y binanggit ko kay Eldric ang para sa aki'y masamang pagkakasalin ng seatbelt sa "sinturong pangkaligtasan."

"Sira ang tuktok ng nag-translate niyan," wika ko, bago isubo ang kending hiningi mula sa flight attendant. "Kailangan ba talagang 'sinturong pangkaligtasan' ang tawag doon? Kahit naman siguro pamangkin kong maliit na hindi pa nag-aaral, alam kung ano ang seatbelt," dagdag ko pa.

Una ko yatang naka-engkuwentro ang salitang ito kay Rio Alma, sa kanyang aklat na Kalahating Siglo sa Ibabaw ng Mundo. Tulad ko ngayon, inilalahad niya sa bahaging ng aklat ng mga sanaysay ang mga karanasan sa paglalakbay at pangingibang-bayan. Sa tuwing maaalala ko ang "sinturong pangkaligtasan," hindi ko lubos maisip kung bakit kailangan pang isalin ang seatbelt. Kung gayon, dapat pala'y matagal na ring isinalin ang computer.

Ngunit naputol ang pagdidiskurso sa isip ko tungkol sa wika. Kahit ano yatang gawin ko'y di ko talaga mapipigil ang tawag ng lababo. Ako ang kauna-unahang pasaherong tumayo. Hindi ko na talaga mapigil. Nang humimpil nang tuluyan ang eroplano'y mabilis akong kumilos.

"Hintayin mo ako," bilin ko kay Eldric, matapos tumayo't itabi ang aking shoulder bag at ang ilang mga aklat na sukbit-sukbit sa biyahe.

Ang huling pagdalaw palang iyon sa palikuran ay magluluwal ng isang tula. May dahilan pala ang pagduwal.


ISANG makulimlim na Dumaguete ang tumambad sa amin sa pinto. Sa di kalayuan, natanaw namin ang munting paliparan ng Sibulan at ang napakaraming mga taong nag-aabang sa paglapag ng mga pasahero. Ipinaalala ni Eldric na maghahanap kami ng madreng kulay abo ang abito. At naroroon nga ang larawang aming binuo sa isip: hindi kami nahirapan sapagkat naroon na si Sister Beth.

Dali-dali namin siyang nilapitan upang magpakilala't makipagkamay.

"Are you Sister Beth? " tanong ni Eldric sa nag-iisang madre sa gitna ng magulo't maingay na paliparan.

"Are you the one? " kunot-nuong tanong naman sa amin ng madre. Mukhang ang sandaling iyon ay palaisipan para kay Sister Beth.

"Opo," magalang na sagot naman ni Eldric. Ako nama'y nagmano sa kanya, at nagpaumanhin sa kung anumang abalang aming maaring naidulot.

" I was expecting a priest in a habit and with a big cross in the chest," nakangiti niyang biro sa amin, lalo na kay Eldric, na ilang taon pa ang bubunuin upang maging pari sa UST Central Seminary. Mukhang pari talaga ang ibinilin ni Ma'am Christine. At doon namin natutop na ang buong akala pala ng madre ay isang nang ganap pari ang kanyang susunduin. Sino nga ba naman ang mag-iisip na magpapari pala ang kasama kong nakapang-soccer na pang-itaas, at naka-shorts lamang? At sa isip ko, sino nga bang mag-aakala na magpapari pala ang kasama ng makasalanang ito?

"Come on. The driver is waiting outside." Sinundan namin si Sister Beth patungo sa inarkelang FX. Nakasasabik na ang patikim ng lungsod sa paliparan. Ang kakaibang dampi ng hangin. Ang tunog ng wikain. Unti-unti nang lumalapag sa aming balat ang buong Dumaguete. Pareho kaming di makapagsalita ni Eldric.

"So this is the place," ani Eldric sa aming lahat, nang makasakay. Ngunit parang may umagaw sa aking kasabikan. Agad kong binulungan si Eldric.

"When are we getting our bags? " Tila nakuryente, nagising mula sa mulat na paghihilik si Eldric. Nang bumaba kami't magbalik sa palipara'y tawa kami nang tawa.


HINDI namin sinayang ang panahon. Tatlong araw lamang ang itatagal namin sa Dumaguete, kaya't nagmamadali kaming lumabas. Nang iwan kami ni Sister Beth sa hotel na aming tinuluyan, inilapag lamang namin ang aming mga gamit at nag-ikut-ikot.

"Lonely planet pala ang drama natin dito. Wala tayong kilala, at hindi natin sila maiintindihan," wika ko, habang naglalakad papalapit sa tabing dagat.

Papadilim na nang lumabas kami. Natatanaw na namin sa kinatatayuan ang unti-unting pagliliwanag ng madidilim nang mga silid sa gusali ng Silliman. Dahil naman sa liwanag ng bilog na buwan, ang lilim sa maghapon ng nakahilerang mga acacia ay naging aninong nakatanod sa magdamagang pagluwas-sumuba ng mga taga-Dumaguete.

Ligtas na ligtas umano ang lungsod at kahit abutin ng madaling-araw ang mga tao'y walang pangambang namamasyal ang mga ito. Musika namang lumalapat sa pagdagundong ng radyo ng mga magkakatabing restawran ang pagharurot ng mga traysikel sa kalsada.

Bukod pala sa mga pribadong behikulo, iyon lamang ang maaring sakyan upang magalugad ang lahat ng sulok ng lungsod. Maliwanag na rin ang mga ilaw sa posteng nakatanod sa baybaying dagat, pagkarating namin doon.

Nang matunton namin ang Rizal Bouelevard, sumalubong sa amin ang mabangong amoy ng kung anong piniprito't inilalakong pagkain doon. Nang makalapit pa kaming lalo ay doon sa kalye namin nakita ang inaakalang mga nakahimpil lamang na nagtitinda ng fishball. Ngunit nalaman naming hindi pala talaga sila tulad ng mga nakikita nating naglalako dito sa Maynila, na kumpleto sa gaas, kaserola, at sawsawan. Doon talaga sa bandang iyon ang kanilang puwesto--at ang inilalako nila'y hindi fishball, o kaya quekiam.

"Tempura?" tanong ko kay Eldric, matapos makita ang malalaking karatula. Tumango lamang siya, tanda na hindi ako namamalikmata.

Nilakad pa namin ni Eldric ang kahabaan ng Rizal. Nakita na rin namin ang "makasaysayang" CAP Bldg., kung saan gaganapin ang pagpupulong ng PEN, at kung saan ginaganap ang taunang palihan ng Silliman.

Mataas at magalaw naman ang mga alon. Tila hindi ito mapakali habang bumabangga sa mga bato. Nakikisabay ito sa likot ng nagtatakbuhang mga bata sa daan. Naroon sa dakong kaliwa ang daungang abalang kanlungan ng mga bapor patungong Cebu. Sa kabila nama'y ang mahiwagang Siquijor. Naroon naman sa malayo ang Dapitan ng Zamboanga.
Hindi ko na yata mabilang noon ang kung ilang beses naming sinabi sa isa't isa ang mga salitang ang ganda.

"Hindi na ako magtataka, Eldric," sambit ko kay Eldric, habang patuloy kami sa paglalakad. "Kaya pala gustung-gusto ng mga writers dito. Kaya pala."


NANANAHAN sa lungsod ang lahat ng maaring isulat. At tulad ng balat ng pagsusulat, malaks ang pandama ng balat ng lungsod--ang dagat. Bumubukal dito ang nagpapatindi sa pandamang dalisay na paglikha.

Matapos ng pagmamasid-masid, dinala naman kami ng aming mga paa sa isang nakatanghal na bagay, na aking natanaw mula sa malayo.

"Parang belfry. Puntahan natin."

Matapos pasukin ang isang eskinita, narating namin ang isang plaza na punung-puno ng mga tiangge, at ang Simbahan ng Dumaguete, at ang kampanaryo nito, sa kabilang kalye. Sandali kaming pumasok upang manalangin at magpasalamat sa tapat na panahon ng aming paglalakbay. Ngunit di pa rin maalis-alis sa isip ko ang kampanaryo. Tila may nagpapabalik sa akin doon.

Pagkalabas ay nilapitan namin ni Eldric ang kampanaryo. Tulad ng ibang mga lumang kampanaryo sa bansa, nangingitim na ang matitibay na batong bumubuo sa istrakturang itinayo noong 1811. Sa gilid nito'y may grotto at tirikan ng kandila. Sa di kalayuan, may ilang matatandang babae naman ang naglalako ng mga halamang gamot, insenso, at langis. Bukod sa Siquijor, pinaalala sa akin ng mga larawang iyon ang Quiapo.

Natuklasan din naming gawa pala sa korales ang mga bato ng bantog na kampanaryo. Noong unang panahon pala'y ginagamit ang kampanaryo, upang bantayan ang lungsod laban sa mga pirata o mananakop. Ang kampanaryong ito ngayon ay dakilang sagisag ng papausbong na lungsod, at ng Silliman.

Batid kong di iilang mga kaluluwang tulad namin ni Eldric ang nagtungo roo't nagbigay-galang sa mge espiritu ng kampanaryo sa Dumaguete. Kaya't di ko rin pinalampas ang pagkakataong mag-iwan ng bakas sa isa man lamang sa mga bato ng kampanaryo. Hinaplos ko ang isang bato at tila may bumukal na lakas mula roon. Nadama iyon ng aking mga daliri. Habang nakahimpil kami'y sandali akong nanahimik.
Pagpapala, bulong ko sa sarili. At muli kong nadama ang pagdampi ng hangin, kahit malayo na sa dagat.

Ang pagkakatantong iyon ay naghatid na naman sa akin ng isang tula. Sa harap namin ngayon ay nakatanghal ang isang banal na bahagi ng dagat, na inangkat at upang maging bahagi ng isang banal na lunan sa lupa. At ang dalawang lakas na nagsanib--ang sa dagat, at sa lupa--ay may pabaong lunas sa pagpapatuloy ng aming mga buhay at paglalakbay.

Nagpatuloy kami sa paglalakad at kung saan-saan kami napadpad. Sa may palengke. sa may arkelahan ng mga scooters. Sa mga karinderya't restawrang nag-iihaw ng manok sa harap ng kanilang kainan. Sa isa pang ihaw-ihaw sa may kantong malapit sa Rizal Boulevard. At sa isa pa. Sa mga larawan ay may humabol pang isang mamang abalang-abala sa pagpapabaga ng kanyang ihawan.

Ihawan ng manok. Puro manok.

"Galit ba ang mga taga-Dumaguete sa manok?" tanong ko kay Eldric, habang naaaninag ko na ang iasng bahagi ng Silliman. Malapit na kami sa tinutuluyan.
"Gutom lang iyan," nakangiting sagot niya.


PAGKATAPOS naming maghapunan (ang ulam nami'y ang tanyag na chicken inato, siyang pinakamasarap na inihaw na manok na natikman), muli kaming naglakad-lakad. At biglang-bigla, napansin kong pabalik-balik na lamang kami sa dagat, kahit anong daan ang aming tahakin. Kahit saan kami sumuot ay dinadala kami ng kalsada patungong dagat. Kahit ang pangingibang-daan sa loob ng Silliman ay wala ring nagawa. Para kaming napaglalaruan ng mga engkanto.

Sa huli, umupo na lamang kami sa may baybayin at nagpahinga. Katahimikan. Hanggang ngayon, hindi pa rin kami makapaniwala sa dalang hiwaga ng lungsod. Aliw na aliw din kami sa kakaibang larawan ng Rizal Boulevard sa mga sandaling iyon. Naroon pa rin ang mga nagtitinda ng tempura, ang mga turista, at ang ilang kabataang naglalako ng sitsaron at mainit na mais. Ang maliwanag na kahabaan ng Boulevard ay isang larawan ng matiwasay na buhay sa siyudad. Maliwanag rin daungan, at nakita naming papaalis ang isang bapor.

Biglang sumagi sa isip ko ang darating na katapusan ng paglalakbay namin sa Dumaguete. Sa mga nadarama namin ngayon, nakikita kong pa namin kayang harapin ang paglisan. Hindi ko pa kayang iwan ang Dumaguete. Napaka-ikli nga naman talaga ng pagdalaw na ito.

"Bakit ba iniisip mo ang pagbalik natin sa Maynila?" tanong sa akin ni Eldric.
Sa pagkakataong iyon, hindi na talaga maiiwasan ang pagharap sa katotohanang ito. Tulad ng ginawa naming paghahanda bago magtungo sa Dumaguete, ang pagkakataong iyon ay panahon upang ihanda ang sarili sa paglisan sa makalawa. Ngunit napakabigat talaga sa dibdib ng gawaing ganoon. Totoo pala ang tinuran ng mga kaibigan tungkol sa Dumaguete: na ang batubalani ng Dumaguete ay maglalapit sa isang dumadalaw, sa pusod ng lungsod. At ang paglisan sa lugar ay nag-iiwan ng malalim at di matatabunang bakas, mga pangungulila. Mahirap ang makawala.


ANG ALON. Lalong tumaas ang alon kaya't nakababasa ang paglapit sa pader ng breakwaters. Nanatili kami sa aming kinauupuan, sa ilalim ng isang punong acacia, na naroon ding nakatunghay sa dagat. Sinimulan naming pag-usapan ang aming pagsusulat.

Habang idinuduyan ang aking paningin ng malilikot na alon at dagitab ng dagat, nagbalik sa akin ang halos isang taong nang di pagsusulat ng kuwento. Ikinuwento ko kay Eldric ang mga naging suliranin ko, at kung papaanong nagising na lamang ako isang araw, at sinabi sa sariling gusto kong nang maging makata.

Wala pa mang napagtatagumpayan, hindi ko alam kung saan ko hinuhugot ang kapangahasan. Di iilang ulit akong nakatanggap ng masasaklap na pagbasa mula sa mga binibigyan ng mga tula. Ngunit hindi ko pinupunit ang pangangahas. Ang magmakata yata'y pakikipaglaban sa marahas at matalas na punyal ng puna.

"And I will never forget that first workshop. It was very painful, indeed," dagdag ko pa.

Natatawa kami sa mga kahindikhindik at kagilagilalas na karanasan sa mga palihan.
Ang bawat isa sa mga iyon ay paglilinis ng kaluluwa. Ang bawat salitang nagmumula sa mga matatanda ng panitik, gaano man kahapdi, ay nagdala sa amin sa patuloy na pangangahas.

Ngunit sadyang magkaibang-magkaiba kami ni Eldric. Matapos umanong makatikim ng lagim ng latigo sa Iligan, wala pa ring tigil sa pagsusulat si Eldric. Ako nama'y tuluyang pinagtampuhan ng Musa. Ang pananahimik niya'y nakabibingi't bumabasag sa kaluluwa. Wala akong bakas na makita sa malawak na papel, sa tuwing sinusuyo ko siya. Doon ko natuklasang tinalikuran na niya akong tuluyan.

"Fiction has completely abandoned me. Mabuti na lamang ang poetry," ani ko.

Nakatuon ang aking pansin sa dagitab ng habang si Eldric naman ang nagsasalaysay.

"One of the panelists told me that my story is a piece of shit," ani Eldric.
Patuloy kami sa pagpapayo sa isa't isa. Pinag-usapan din namin ang mga akdang aming naisulat.

Binalikang-tanaw din namin ang mga pagsisimula namin bilang manunulat--sa mga press conference, sa mga sulating pormal, at sala-salabat na pagkakamali sa balarila.

"It was unbelieveable for me. I never thought of writing taking a life of writing," dagdag ko pa.

Ang patuloy palang pagpapabalik-balik namin sa baybayin ay pagbabalik sa madidilim at masasapot na bahagi ng aming panulat--sa mga bahaging kadalasa'y di natatagpuan, di na binabalikan, di naaabutan sa bilis ng takbo ng araw-araw na pag-iral, at di naiguguhit sa kahit anumang uri ng pagkakartograpiya. Ang pakikiniig sa alon ng Dumaguete pala'y pakikiniig sa mga nawawalang bahagi ng aming sarili, o ng aming kaluluwa, sa pag-asang aahon ang mga ito mula sa pusod ng dagat at muli silang makikipag-isa sa laman at balat. Ang tinig ng dagat ay tinig ng mga nalimutang nakalipas, ng mga di maharap na ngayon, at ng inaasahang darating.


MATAPOS nang PEN, lalo kong nadama ang pait ng papalapit na paglisan. Habang naghahanda ng mga gamit ay dumalas na ang pananahimik ko sa isang sulok ng silid.

Sa huling gabi namin ni Eldric bumalong ang dagta ng talinghaga. Dito ko nasimulan ang ilang mga taludtod ng tulang Mahiwaga, ang unang tulang natapos ko tungkol sa paglalakbay na ito, mga ilang linggo pagkabalik namin mula Dumaguete.
Bilang nagmamakata, hindi ko talaga malaman kung bakit hindi maiwasang maging matigas ang ulo. Hindi ko na naman sinununod ang payo ng mga guro sa pagsusulat tungkol sa paglalakbay--na namnamin muna ng husto ang mga sandali ng paglalakbay bago isulat ang karanasan. Sa pagkakataong iyon, kailangan na itong mairaos. Parang libog.

Ngunit hindi ko naman ito inihihingi ng paumanhin, at tatanggapin ko ang nakaambang panunuya at pagkakapugot ng ulo dahil sa kasalanang ito.

Sa pagmumuni, isang ritwal ng pagsamba ang ang tinupad ng tula--tulad ng Dumaguete, mag-iiwan din ako ng aking bakas sa kanyang lupain, bago lumisan bukas. Ang pagluluwal ng isang tula ang pinakabanal na paraan upang tumuklas.
Habang naliligo si Eldric ay ako naman ang pumuwesto sa kanyang laptop. Matapang kong hinarap ang nakalulunod na kalawakang tumambad sa paninging babad sa larawan ng Rizal Boulevard, ng dagat, ng kampanaryo, ng mabangong amoy ng manok na inato at bagong-lutong tempura.

Muli kong binalikan ang lahat ng mga unang pagkakataon namin ni Eldric sa Dumaguete, kasama na ang mahaba-habang paghahanap ng matutuluyan, at ang mga imaheng aking ibabaon pagbalik ng Maynila.

Napakabilis ng mga sandali. Parang noong isang araw ay lulan pa lamang kami ng eroplano't itinatawid sa gitna ng nag-aanyayang dagat. Mayroon itong hiwagang bumabakat sa kaluluwa. Isa itong uri ng hiwaga na walang kinikilalang sandali, at di maaapuhap kung saan nagmumula.

Naalala ko rin ang aming pagbaba sa eroplano. Minasdan ko kaagad ang malayung-malayong dagat, sa dulo ng paliparan. Hindi ko maipaliwanag, ngunit tila hindi na bago sa akin lupaing ito. Nagbabalik lamang ako, pakiramdam ko.
Maaring katulad ng mga kapwa-manunulat na nahanap ang kanilang mga sarili sa minsang pagdalaw sa Dumaguete, may naapuhap na bakas ko, ang haraya sa lupaing ito. O maaari, sa pusod ng dagat, na kagat-kagat ng alat.

Bago sumakay ng eroplano'y muling sinalat ng paningin ang malayong dagat. Ito na ang huling larawan ng Dumaguete. Ito na nga. Ngunit hindi pa. Tulad ng ibang manlalakbay sa panitik, nangako kami ng pagbabalik ni Eldric. Magbabalik kami. Tulad nilang lahat.

Mga larawan mula sa tagahibayo.bisdak.net

Vicente Garcia Groyon: "Exciting fiction not in English, but in Philippine Languages"

Here, another piece which never saw print in the Philippines Graphic. I'm just not sure whether Vince, as we fondly call him, changed his mind about a lot of things here. But, in the name of "history", I'm letting him speak. But this is around 2006 or 2007, I think.

***

His most recent paradigm, “putting the work back in the workshop,” seemed to have stirred the literary community to bring in dramatic changes in the landscape of writers workshops in the country. And many could not help but agree. Novelist and teacher Vicente Garcia Groyon currently plays the voice in the wilderness of Philippine literature.

Known in the circle as “Vince,” the author of two National Book Award winning books, On Cursed Ground and other stories (UP Press, 2004) and the 2002 Carlos Palanca Grand Prize-winning novel The Sky Over Dimas (DLSU Press, 2003), talked with the Philippine Graphic through an e-mail correspondence about Philippine fiction in English, his coming projects after his highly regarded books and critical attention. In this occasion, we let the storyteller tell all.

Not in English
For Vince, the most interesting and exciting fiction seems to be created, not in English, but in Philippine languages. According to him, there has been a steady decline in the ability to write fiction in correct, effective English and he agrees with the literary scholars who predict that fiction in English will become a small part of Philippine fiction in general.

Although quick to clarify that he is not referring to “Taglish” or other hybrids (he even thinks that “Taglish probably should become a legitimate language”), but to the plainly incorrect use of English, Vince fears that this incorrect English is going to become “Filipino English,” thanks to local television and the people chosen to turn into celebrities.

“Fiction in English may continue to receive the most attention, but the number of writers who write it well will probably dwindle over time. This is all tied up to the way in which Filipinos in general use English.”

Vince also finds a lot of Philippine fiction in English not as interesting as it could be. “I don't think I need to read yet another story about urban alienation or concrete jungle epiphanies or middle-class anguish, no matter how well-written or well-intentioned. Not for a long while, anyway. Which brings me to another point—we need to hear from the rest of the Philippines for a change.”

Vince also says that fiction writers who are tapped into a culture outside Metro Manila or a subculture within it have an edge, if only in terms of material. But what he thinks is unfortunate is that most of the resources are accessible only through Metro Manila, and those outside are perpetually left out of the loop. There are talented writers scattered all over the country, he says, and many of them just stop writing because the writing life—publication outlets, a community of writers, a readership, writing workshops, even access to Filipino writing—doesn't exist as a viable reality.

“When I worked in Bacolod City for a few years, I felt as though I didn't exist as a writer even if I had already published stories here and there,” recalls Vince. “This was because practically all of the writing activity was happening in the metropolis, and the gatekeepers of the writing community were mostly there as well. The smallness of the writing community in the Philippines still necessitates knowing people—mentors, editors, publishers, other writers—a lot of the time. Otherwise you are forgotten, left out, albeit unintentionally.”

Vince however notes other “interesting” developments in Philippine fiction in English, most especially the “rejection” of traditional and social realism by younger writers in favor of other forms, like cinema or comics. Himself an alternative filmmaker and winner of the Gawad Cultural Center of the Philippines para sa Alternatibong Pelikula at Video and the Film Academy of the Philippines, Vince says, he’s all for exploring other modes of representing the strange times we live in, though he does not believe that writing in a genre created in another culture will work, even if one uses a Philippine language or feature Philippine elements.

“It's hard enough to write in English. I don't believe in making one's writing “accessible” to a wider audience by using familiar genres or modes. As readers, Filipinos seem to be too willing to reject Filipino innovation, or to find ways of classifying and evaluating it according to existing categories from other cultures. There aren’t enough attempts to break through to a mode or genre that is unlike anything seen before.”

On his toes
So what's currently making Vince very busy these days?

“Graduate school does,” says Vince, who is currently taking a PhD in Literature at the De La Salle University, where he also earned an MFA in Creative Writing. Although not writing any long works right now, “just short stories,” he says he has kept himself on his toes with other writing ventures. The last long work he finished was a play in Hiligaynon last year, the production of which yet to push through.

“Still, it was a good experience to write in a language I'd never written in before, and I was able to do some research into traditional Hiligaynon poetry, because most of the play was in verse. I'd like to think that the short pieces that I'm doing now are my way of warming up for the next novel, which is at the back of my mind and notebook,” adds Vince.

Vince is also busy teaching in DLSU’s Department of Communication, and “shepherds” a motley bunch of young and aspiring writers in the university’s literary publication, Malate, where he has been a long time adviser. He also became an active campus advocate as director of the university’s Bienvenido N. Santos Creative Writing and Research Center. He sits down with the students in different occasions and even advises creative writing undergraduates who choose to major in fiction. The teaching of writing altogether becomes another art, a multifaceted mission.

“If students aren't already good readers by the time they step into the classroom, it's probably next to impossible to "teach" them how to write. What's been most satisfying, both for me and students, is to show them directions they can take based on their strengths—identify patterns that they may not see, or instances where their voice inadvertently breaks through. I've felt like a therapist on more than one occasion.”

Asked about how his fiction evolved, Vince notes a more straightforward language and concern for telling the story than “being pretty.” Stressing the mastery of the language and the form, fiction, he believes, must be engaging and able to hold the reader's attention for the full length of the narrative. He also adds that it must be surprising and fresh or new and different, and definitely cohesive and deliberate, even if it's striving for some fragmented, casual postmodern effect. Moreover, he thinks that fiction should lead one to an understanding or awareness of some aspect of humanity–of “things that they cannot or will not see.”

“I'm also still drawn to material that is gothic if not in topic then in atmosphere,” explains Vince. “And lately a lot of women, usually old, have been appearing in my work. I once joked that my writing is generally about what it means to be born with a penis in the Philippines, so I suppose the appearance of women is a welcome development.”

As far as what he is reading now, meanwhile, he says he finds himself seeking out writing from countries other than America and England. “A lot of writing from South East Asia is finally being translated into English, so there's a lot of catching up to do as far as reading Asian writing is concerned.”

And although flattering and nerve-wracking, critical and peer attention to him means more challenges than settling to rest on his own laurels. Attention, according to him is always welcome, if it will ensure that one’s books continue to be read. But of course, in this field, it doesn't really matter how “hot” a writer you are at any given moment, he chides.

“Bargain bookstores are full of "first books" by writers who never published another word ever again, or books that were once a must-read and are now largely forgotten. If I can continue writing well into the future, and if my work continues to be read in the future, then I'll be really happy. Endurance, in both senses of persevering despite difficulty and persisting throughout time, is what matters. Irrelevance is a writer's worst nightmare, and it's something that I think about often, these days.”

Photo from Vicente Garcia Groyon's Facebook account

Ang Liwanag ng LIRA: Isang Paliwanag

Inabot ako ng halos sampung taon bago nagpasyang sumali sa palihan ng Linangan sa Imahen, Retorika at Anyo. Hindi naman gaanong nasayang ang sampung taon na iyon; bukod sa ginugol ko ang panahon sa pagtuklas, pagbabasa at pag-aaral, naroroon ding pinatuloy ko, paulit-ulit, ang mga bagabag upang manatili akong tutok sa paghahanap ng bagong lapit at tinig sa matulaing karanasan. Ngunit sa isang banda, naisip ko ring sana, hindi na ako nagpatumpik-tumpik matapos marinig sa unang pagkakataon, noong 1999, sa kolehiyo, ang mga gawain ng LIRA. Bukod sa hindi ko na kaedad ang mga tao ngayon (at paminsan-minsan’y binibiro ako; kung magkuwento kasi ako’y parang noong isang taon lamang nangyari ang lahat), marami siguro akong mga pagkaligaw na naiwasan. Nang minsan, sa isang palihan, may pagkasiya yatang sinabi sa akin ni Vim Nadera na “nakita mo na rin ang liwanag.” Sa isang banda, tama siya. Kunsabagay, iyon naman ang katuturan ng paglalakbay, kung isasaalang-alang natin ang dalumat ng odisea. Kailangan ding maligaw; doon lamang nagkakaroon ng kahulugan ang mga landas.

Pero huli man daw (at magaling) ay naihahabol din. Sumali ako sa LIRA nitong Hunyo na saklot ng takot—siyempre, narinig ko na ang lahat-lahat hinggil sa bagsik daw ni Rio Alma, at sa kolehiyo, “nasampolan” na ako kung baga, ni Mike Coroza. Sa simula ng klase, kinausap ako ni Sir Mike; “kailangang matagalan mo siya,” aniya, sabay turo ng nguso kay Sir Rio. “Tapusin mo,” bilin pa niya. Aminado naman siyang malupit talaga siya sa akin noon pa man, ngunit kahit papaano, para na siyang nakabawi, dahil pakiramdam ko noon, isa akong batang inihahatid ng magulang sa pinto ng kindergarten. At dahil masunuring bata ako, siniguro kong hindi ako papalya. Sinikap kong huwag masakop ng trabaho ko ang mga Sabado’t Linggo—hanggang huli. Sabi ko, bukod sa nag-aaral ako, oras ko ito para sa sarili. Isa pa, (at ito na siguro ang tamang pagkakataon upang sagutin ang lahat ng tanong nang tanong kung bakit ako sumali), gusto ko nang puksain ang isang tila ba mortal na takot—ang takot ko kay Rio Alma. Takot ako dahil sa maraming narinig ko (tsismis, kritika at kontrobersya, makasaysayan man o hindi), sa mga nabasa ko, at higit sa lahat, sa mga hindi ko alam, tulad ng maraming bagay na itinuturo niya sa klase. Lagi naman talagang nakakatakot ang hindi natin alam.

Mababaw ang kaligayahan ko, kaya nang bahagyang pumapasa sa tugma at sukat, nagdiriwang na ako (madali lamang akong maduling dahil minsan ay palyado kung magsuri; may panginginig pa rin kasi ako sa tugma at sukat). Unti-unting nawala ang takot ko dahil naipaliwanag ang lahat, lalo na ang ilang mahahagalagang muhon ng panulaan na kailangang kabesado ng makata, sang-ayon sa binabasa-basa ko lamang noon na Taludtod at Talinghaga ni Sir Rio. Naparam din ang takot ko kay Sir Rio, at mabuti na ring nauna ko siyang nabasa kaysa nakilala; higit kong naunawaan ang kaniyang mga sinasabi, at puwera bola, lalo akong nainggit sa dami ng mahahalaga niyang alam, nasabi’t nagawa. Sabi nga ni Sharon Cuneta kay Fernando Poe Jr. sa Maging Sino Ka Man, “ang problema sa iyo, nauna kang ipinanganak.” Pero ang higit na nagpawala ng takot ko ay ang mga bagong kaibigan; silang mga nagmamahal din sa wika at panitik ay naging sapat na dahilan upang asaming mag-Sabado’t Linggo na. Nakasama ko sila sa maraming paghahagilap sa mga bagay na kapwa hindi namin alam. Tulad ng: delfin pala ang maaaring itumbas sa “dolphin”. O ng maraming bagay sa kalinangan na kailangan ng deskolonisasyon, sa pamamagitan ng “reklamasyon ng gunita”. Galing kay Sir Rio lahat iyan, at sa butihing mga panelist at lektyurer na tumulong sa amin sa pagtuklas.

Kuryosidad daw ang pumapatay sa pusa, wika ng kasabihang Ingles, at sa palagay ko, kung mayroon mang napaslang ng aking kuryosidad ay tanging ang takot. Takot, para sa akin, ang buod ng pagmamakata, dahil ito ang nagiging dahilan ng kaniyang walang-hanggang pagtuklas. Minsang sinipi ni John Berryman, sa The Dream Songs, si Sir Francis Chichester: “No interesting project can be embarked on without fear. I shall be scared to death half the time.” Isa ring personal na paglalakbay ang mga buwan ko sa LIRA, isang pakikipagtuos sa mga hangganan ng pahayag at kakayahan. Marami pa ring takot, ngunit magpapatuloy ako.

Sa unang larawan, LIRA poets and 2009 fellows sa aklatan ng Pambansang Alagad ng Sining Rio Alma sa San Miguel, Bulacan (counter-clockwise): Michael Coroza, Carla Payongayong, Ynna Abuan, Debbie Nieto, Conrad Nuyles, Gian Abrahan at Ako. Sa ikalawang larawan, "sinasakal" ako ni Mike Coroza. Mga Kuha ni Philip Kimpo Jr.